31. (ang handog)
January 9, 2010
Tugon sa Naghamon:
hawak ko sa aking mga palad
handog mo sa akin, aking ama.
anong gagawin ko sa himalang ito
na nagpupumiglas sa mga kamay ko?
yayamanin ko ba o ipagkakanulo lang
itong tangi’t dakilang handog mo?
o amang bathala, ano ang loob mo
at sisikapin nitong kaloob mo.
ako’y nanginginig, nahihintakutan
may mga panahong pinanghihinaan.
madalas ikaw ang binabalingan
at inaaninag iyong kalooban.
gayunma’y wala akong magawa
kundi ang sa iyo’y lubos magtiwala
sa sarili’y magsikap, magtiyaga
at magpakatibay kahit na may sigwa
hanggang
sa marating
ang dulo ng
landas.
©1976 J. Vibar Nero
Dawit ng Musmos: Panata ng Bata. Lumang Kwaderno ni J. Vibar Nero
30. (ang buhay)
December 21, 2009
Awit niya para sa mga naulila at nagluluksa:
ang buhay sa lupa ay hiram lang
lubos itong pinaghihirapan
loob niya’y maging tapat lamang
nang yaring pag-asa’y maging yaman
‘yang pagsubok ay pagpapatibay
ng lahat ng mga kahinaan
nang sila ay maging kalakasan
sa pagtataya para sa bayan
ang buhay sa lupa ay may lumbay
kakambal ng saya’t kagalakan
ang kaganapan ng kasiyahan
nasa tapat na pananagutan
ang pagmamahal ay isang patunay
na ang tao ay may kapitbuhay
mayro’ng magulang na naghihintay
doon sa tahanan na immortal
©1976 J. Vibar Nero
Dawit ng Musmos: Panata ng Bata. Lumang Kwaderno ni J. Vibar Nero
29. (sa pag-asa pumaroon)
December 14, 2009
At siya’y nakinig sa kuwento ng batang ulila:
“sa gilid ng mundo ako ay naidlip
nababalabalan ng itim na kumot
nang mag-umaga na ako ay hinaplos
ng gintongdaliri ng inang liwayway.
“nahati ang mundo na parang pandesal
ako ang sa gitna’y ginawang palaman
ngumiti ang araw ako’y nilapitan
ako ay nagdasal bago maalmusal.
“ang sabi ng araw ako’y tulad n’ya raw
ikot lang nang ikot nang ikot nang ikot
inabot n’ya sa akin ginintuang kamay
at sa pag-asa raw do’n ako pumaro’n.”
©1980 J. Vibar Nero
Dawit ng Musmos: Panata ng Bata. Lumang Kwaderno ni J. Vibar Nero
28. (tuwa at luha)*
December 8, 2009
Sa bituing dati na niyang ginising:
bakit mo iniluluha ang
paglaho ng tala? ang bituin
tulad ng alalahanin maiduduyan
ba ng damdamin?
ang puso’y umaamo habang natututo.
luha’y walang magagawa libong tala
ma’y malaglag sa lupa.
ikaw ay luluha at tanging ikaw
ang makauunawa.
ang tuwa at luha ay iisang sapa.
sa bulong ng puso ikaw ang maghula.
ang bukangliwayway at takipsilim ay
kambal na takda.
©1980 J. Vibar Nero
*Kay Stella P. Dawit ng Musmos: Panata ng Bata. Lumang Kwaderno ni J. Vibar Nero
27. (puso ng bayani)
November 23, 2009
Paalaala niya sa mga rebeldeng tunay:
karahasan ng pagmamahal
ang landas ng pagbabanyuhay.
katarungan ang tanggulan.
kapayapaan ang daan.
sariling buhay ang alay.
ang dapithapon ay hindi paalam.
ang bukangliwayway ay bagumbuhay.
—isadiwa ng bayaning tunay.
©1981 J.Vibar Nero
Dawit ng Musmos: Panata ng Bata. Lumang Kwaderno ni J. Vibar Nero
tudla-tala
November 17, 2009Nasa pagsipat ang pagsapol sa buwan at tala.
Guhit ni J. Vibar Nero 1977
26. (salaula)
November 16, 2009Sa mga sala-ulo, ganito ang mga sala-wikain:
ang kaalamang walang bait at
dunong ay nagmamarunong.
ang muning walang lalim ay
pangangarap nang gising.
ang matang walang balintataw
ay walang pananaw.
ang mga paang ligawin
ay walang mararating.
ang pusong bulag
ay laging lagalag.
ang layaw na hubad
laging nagbibilad.
narinig na ninyo ang sabi
ni bathala: magparami
kayo hindi magpakarami!
pordios porsanto naman
sobrang kalibugan yan
kahit saan nag-iiwan
kayo ng panganay!
at higit na salaula
iniiwan ninyo sila
sa estero
sa basura
sa tambakan
o pinaaanod
sa ilog ni kamatayan!
©1981 J.Vibar Nero
Dawit ng Musmos: Panata ng Bata. Lumang Kwaderno ni J. Vibar Nero
25. (plegarya sa karimlan)*
November 14, 2009
Ninamnam niya ang de profundis ni Juan:
pitong taon na ang nakararaan
nang pinaslang nila si inang
nasa bukid noon si amang
nagbubungkal ng linang
pagbungad ni amang sa dampa
napatda siya’t natulala
nakita niya si inang na nakabulagta
at pumatak ang kanyang luha
naupos siya sa madilim na sulok
suot pa rin ang salakot
sukbit ang matalas na gulok
mukha niya ay larawan ng kirot
pagdaka’y bumalikwas at tumayo
mga mata’y ipinukol sa malayo
sinuyod ng titig ang palibot
at binulalas ang kanyang poot
nang ang tingi’y muling ibaling
kay inang na gupiling
ang wika ni amang na mariin
”hindi muna kita ililibing!”
yaong sulyap niya sa akin
mahigpit na ipinagbilin
”bantayan mo ang ina mong giliw
meron lang akong aayusin”
sinuong ni amang ang karimlan
sa haplit ng habagat na ulan
hindi pa man nagtatagal
isang hibik ang napagaw
sinuong ko ang karimlan
binagtas ang masukal na daan
natisod ko isang bangkay
nang tingnan ko ay si itay
mabilis ko siyang kinabig
sa bulkan ng aking dibdib
kinalong sa yayat kong bisig
idinapit pauwi sa kamalig
tinunton ko aming dampa
pumapatak ang aking luha
at sa banig na duguan
itinabi ko s’ya kay inang
sa harap ng kanilang bangkay
ang pagluha’y walang saysay
sampanata ang aking itinaga
sa plegarya ng unos at sigwa
©1979 J.Vibar Nero
* 21 Setyembre 1979, ikapitong taon ng pagpaslang kay Inang Laya at Amang Tarong
Dawit ng Musmos: Panata ng Bata. Lumang Kwaderno ni J. Vibar Nero
24. (taghoy sa dalampasigan)*
November 10, 2009
At sa yugtong ito, masinsin lamang siyang nakinig sa ulat
tungkol sa panaghoy ng mga batilyo sa pondohan:
may sigwa sa muling pagkikita!
batong tisa ang mukha ng mga
inang tigmak sa luha
istatwa ang mga amang dugo’y
umaagos sa mga katawang pasa.
humihibik nang tahimik
ang mga batang sa saya
ng kanilang ina nangagkapit.
baklas na ang mga dampa
ngunit nangakatindig pa
sa dambana ng luha at dusa
ng hirap ng tadhana.
nangakatuwad ang kariton
ng mga kapak na tirik na
ang mga mata.
at nagsalubong ang aming mga
mata sa tahimik na kumusta…
”buhay pa” ang bulong nila
”kahapon muntik—ginahasa
na naman kami ng kapwa
ipinagtanggol namin
ang aming kaluluwa”.
sa di kalayuan, ang
alon ng manila bay ay
hindi na bughaw.
©1979 J.Vibar Nero
* Demolisyon sa pondohan ng Navotas, 17 Hulyo 1979.
Dawit ng Musmos: Panata ng Bata. Lumang Kwaderno ni J. Vibar Nero




