Ithaca
May 29, 2010Salin ng tulang-tuluyan ni C.P. Cavafy mula sa Ingles
Isinalin sa Filipino ni J. Vibar Nero
Sa simula ng iyong paglalakbay patungo sa Ithaca,
ipagdasal mo na sana’y mahaba ang daan,
puno ng sapalaran, hitik sa kaalaman.
Huwag matakot sa mga Lestrygonian
at sa mga Cyclopes at sa bangis ni Poseidon.
Hindi mo sila masasabat sa iyong daan,
kung ang laman ng iyong isipan ay laging dakila, kung ang
iyong lawas at ang iyong diwa ay saling ng dalisay na adhika.
Hindi mo masasabat ang mga Lestrygonian,
ang mga Cyclopes at si Poseidon,
kung hindi mo sila pasan sa iyong kamalayan,
kung hindi niya sila sa iyo ipamamalay.
Ipagdasal mo na sana’y mahaba ang daan.
Na sana’y dumami ang umaga ng tag-araw,
na sana’y mapasok mo ang mga bagong daungan
nang may kakaibang kasiyahan at kagalakan!
Dumaan sa mga pook-pamilihan ng Phoenicia,
at mamili ng magagarang gamit, mga perlas
at mga alahas, at mga pabangong kahalihalina.
Dalawin ang mga punong-abala ng kalunsuran ng
Ehipto, nang matuto at matuto sa mga paham.
Sa tuwina’y ikintal ang Ithaca sa iyong isipan.
Ang iyong pinakalayon ay ang makarating doon.
Gayunman huwag madaliin ang paglalakbay.
Mabuting patagalin ito nang maraming taon;
at kahit umangkla ka pa sa isla kung matanda na,
dala ang lahat ng yaman na iyong nalikom habangdaan,
di ka na aasa pang bibigyan ka ng yaman ng Ithaca.
Ipinagkaloob sa iyo ng Ithaca ang magandang paglalakbay.
Kung wala siya wala ka sana sa landas na iyong tinahak.
Ngunit wala na siyang anupamang maiaalay sa iyo.
At kung madatnan mong siya’y dukha, hindi ka nilinlang ng Ithaca.
Sa di-masukat na dunong na iyong nakamtan,
sa lalim ng iyong karanasan,
Tiyak na malinaw na sa iyo ngayon ang halaga ng Ithaca.
All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.



