Minimithi
April 23, 2010Humayo ka, aking diwa
sa mundong kaloob ng Tadhana;
h’wag mong ipagkait ang biyaya
kahit ka na mag-andukha.
Dito hanapin mo ang Maylikha
sa mataas at mababa
kahit iaw ay mawala
h’wag mo itong ipagluksa.
Kung makita mo ang wala
kalooba’y huwag masisira
pagkat sa meron ay wala
at sa wala, may hiwaga.
Humayo ka, aking diwa,
tuusin mo ang hiwaga;
huwag ka lang mabibigla
kung salat ka sa unawa.
Sa daigdig walang ganap,
kung mayroo’y walang hirap;
kaya tayo nagsisikap
pagkat Siya’ng ating hangad.
Akitin mo ang di-ganap
sa gayumang halimbawa;
ikaw muna ang gumawa
at susunod silang lahat.
Humaya ka, aking diwa,
sa Kanya ka mamayapa.
Humayo ka, aking diwa,
umawit ka ng salamat.
Magsaya ka at magalak
pagkat ika’y Kanyang likha.
©1980 J. Vibar Nero
29 Marso 1980


