32. (ang madla)
January 25, 2010Ulat ng ibon tungkol sa mga tao:
mayro’ng tumatakbo;
mayro’ng gumagapang;
mayro’n namang istatwa lang.
mayro’ng lumilisan;
mayro’ng dumaratal;
mayro’n namang naghihintay.
mayro’ng dukha;
mayro’ng sakim;
ang karamihan ay namamatay.
mayro’ng malupit;
mayro’ng mabait;
ang karamihan ay walang pakialam.
mayro’ng nasisiyahan;
mayro’ng hindi—
mukha nila’y inutangan.
halakhak sa hapon;
luha sa umaga;
paglatag ng gabi’y nakahiga.
aniko, sandali lang;
ngunit ni isa ma’y walang pakialam!
©1976 J. Vibar Nero
Dawit ng Musmos: Panata ng Bata. Lumang Kwaderno ni J. Vibar Nero
31. (ang handog)
January 9, 2010
Tugon sa Naghamon:
hawak ko sa aking mga palad
handog mo sa akin, aking ama.
anong gagawin ko sa himalang ito
na nagpupumiglas sa mga kamay ko?
yayamanin ko ba o ipagkakanulo lang
itong tangi’t dakilang handog mo?
o amang bathala, ano ang loob mo
at sisikapin nitong kaloob mo.
ako’y nanginginig, nahihintakutan
may mga panahong pinanghihinaan.
madalas ikaw ang binabalingan
at inaaninag iyong kalooban.
gayunma’y wala akong magawa
kundi ang sa iyo’y lubos magtiwala
sa sarili’y magsikap, magtiyaga
at magpakatibay kahit na may sigwa
hanggang
sa marating
ang dulo ng
landas.
©1976 J. Vibar Nero
Dawit ng Musmos: Panata ng Bata. Lumang Kwaderno ni J. Vibar Nero



